Paunawa: Pakiunawa lang ng sobra

Satire; is a genre of literature, and sometimes graphic and performing arts, in which vices, follies, abuses, and shortcomings are held up to ridicule, ideally with the intent of shaming individuals, corporations, government or society itself, into improvement.

Friday, October 02, 2020

Haaayys Iskul!!

Hail! Hail! Alma Mater! Hail to de LA SAAAALLEE!!!

2nd year Highschool nung una kong narinig tong kantang to.

Suot-suot ko yung puting uniform na may patch ng St. Francis Academy - La Salle Greenhills supervised. OO, hinding hindi pwede mawala yung La Salle Greenhills supervised. Dapat may La Salle Greenhills supervised kahit magang-maga na yung gilid ng mga daliri namin kaka fill-out ng forms.

Tandang-tanda ko pa nung una akong pumasok dun sa school na bagong gawa lang that time. Natatandaan ko pa nung kumuha ako ng entrance exam, na for sure ay mema lang talaga. Natatandaan ko kasi takot na takot ako baka bumagsak ako, kasi ineexpect ko, dahil La Salle, baka mahirap yung mga tanong. Pero ayun. Nakapasa naman, siguro dahil kelangan din nila ung tuition ko pampagawa ng 2nd floor. Pero kung dahil sa score ko o sa pambili ng semento, hindi na importante sakin. Ang pinaka importante, makakapasok ako sa school na de-tiles yung CR at may lock yung cubicle.

First day. Yung araw na pinagdarasal mo maging ok ang lahat. Yung tipong lumipas lang ng araw na hindi ka mapapahiya. First day. Yung makaraos lang na hindi ikaw ang center of attention. Yung uuwe kang masaya at may excitement na bumalik kinabukasan.

First day. Ako lang ang naka uniform. Parang may piyesta pag pasok ko. Lahat ng nadadaanan ko puro makulay. Ang dami daming kulay. Para akong nasa kaleidoscope. Nag flag ceremony sa katirikan ng araw, lutang na lutang yung labang tide kong uniform. Kung alam ko lang sana hindi ko na nilabhan nang maging mukang yellowish. Atlis magkakulay man lang. Dito ko ata nasubukan kung ga'no "kamature" ang tingin ko sa sarili ko. Kaya ko to. Kaya ko to.

Medyo maswerte narin siguro ako kasi sampu lang kami magkakaklase. SAMPU. Kanya kanya kaming hanap ng upuan, nagpapakiramdaman. Nagkakahiyaan magtinginan. Kinaganda neto, puro kami bago sa school kasi nga kabubukas lang ng highschool division sa school na un. Masaklap, sampu na nga lang kami, apat pa dun, dating magkakaklase, yung dalawa mag kapitbahay, yung iba malayong pinsan pa. Ako na tubong Noveleta, na salta sa Dasma, walang kakilala. Kaya ko to, nakayanan ko ngang mag uniform kahit civilian e, kakayanin ko to.

Looking back, I kinda wanted to be just a fly on the wall and see how everybody got along. I wanted to know who initiated the conversation, or what was it about. There were only 10 of us in the room so it didn't really take a long time for us to get along.
 

Time went by, we grew closer and closer. I guess when there's only 10 of you in the class, you don't really have much choice but to mingle with everyone. I was very lucky to have 9 different individuals at the start of my highschool life. Suddenly, the class clown started making jokes, the smart leader lead, the silent one stayed quiet, the car enthusiast talked about cars, the anime kid drew ninja signs, the rebel rebelled, the talented one danced, played the guitar and drew cartoons and so on and so forth, the bully bullied and of course the bullied got bullied. I was just there, observing. Adapting.

Dumami naman kami nung mga dumaang taon. Natuto na naman kami makisama, at higit sa lahat, mag-adjust. Iba ibang ugali na naman kasi e. Sa pag daan ng isa o dalawang taon, nadadagdagan din yung mga experiences namin. Kasama na dun yung mga bagay na magpapa-peak ng curiosity ng isang teenager.

Kaya siguro napaka memorable ng highschool. Kasi kadalasan ng mga ginagawa mo e FIRST TIME. Pinasasaya pa ng fact na, magkakasama kayong magkakaibigan. Naalala ko yung unang inuman. Matador na may Maxx red. Sa bawat tagay, unti-unti naming nakikilala yung totoong ugali ng isat isa. Kung sinong pikon, sinong may crush kay ano, sinong ugaling pinaka ayaw, sinong may family problems, sinong taga pag alaga pag may nalalasing.

Hindi rin maiiwasan sa highschool ang pag diskubre sa mga mas makamundong bagay. Dito mo mararamdaman yung "Nakakapulikat ng paa at nakakatirik ng mga matang" sensation. Binigyan tayo ng kaunting laya ng mga magulang namin na pinagpipilitan nating abusuhin. Every experiment has its own risks. Matututong mag sinungaling. Magtago ng sikreto. Maghugas ng kamay. Parang for some reason, laging agresibo yung feelings ng mga tao. Parang laging may pinaglalaban.

Pinaka na enjoy ko rin yung part na mga labtim labtim. Yung highschool lab story kasi parang considered as your first true lab ba. Matututo kayong tumambay sa poste ng Meralco hanggang madaling araw. Yung mararanasan mong maghatid sundo, o mag commute sa mga lugar na di ka pamilyar. Yung mag antay sa SM ng matagal na matagal. Yung masisira na ulo mo kakaisip kung ano na ireregalo sa monthsary. Ang totoo, ayoko talaga maniwala na "highscool-love" lasts, pero may classmate kasi akong nagpatotoo nun e, kaya maniniwala muna ko sa ngayon.

Pero kung meron man akong gustong balik balikan nung highschool, siguro yung pag may inter-level competition sa school. Yung pag nagpapractice kayo ng sayaw, kanta, play o pag momodel ng mga gulay sa nutrition month. Ang sarap sarap balikan nung mga awayan nang mga magkakalase pag di magkasundo sundo, ung kampi kampihan, tapos sa araw ng presentation mag babatian din...

Haaayyss...

Ngayon mo nalang marerealize pag pa trenta ka na, kung gaano ka liit at ka petty ng mga problema mo nung highschool. Pero kahit maliit o petty man yan, hindi nangangahulugan na walang ka kwenta kwenta. Naniniwala parin ako na ang laki ng inambag ng Highschool life sa kung sino ka ngayon. Eto kasi yung time na "Bata kapa, pero may utak ka na" phase. Kung saan ka dadalhin ng mga desisyon ng utak na yan, nasasaiyo na yun.

Dito kasi yung period na pinipilit mo maintindihan (subconciusly or not) kung anong gusto mo, sino ka at saan mo gusto pumunta. So kung may mga taong tutulong sayo para makarating dun sa desisyon na yun, malaking bagay na yun.

Hindi naman talaga masyado importante yung subjects nung highschool para sakin. I mean back then of course I did what I have to do to get good grades, but it is only because 1) I CAN get good grades, and 2) because it was necessary for my ego.
But let's put that aside, In retrospect, I don't really remember much of what I learned in highschool. Mga bits and pieces lang. Mga terminologies na for fuck sakes hindi ko alam kung sang conversation ko gagamitin. Ionic bond, ahimsa, tan sin cosin, semi permeable substance, haiku, tagpuan sa asutea, geoffrey chaucer, liturgy of the word, liturgy of the eucharist, liturgy, litter h, litter i, ... Kung bakit etong mga naaalala ko hindi ko alam.

Ang highschool talaga ay isang malaking training ground kung pano makisalamuha sa ibat ibang tao sa hinaharap. Dito talaga ako natuto ng mga bagay na hindi ko matututunan kung computer lang yung kaharap ko.

10 things I learned  in Highscool

1) Lahat ng tao kahit gaano mo nirerespeto, may baho.
2) Mas cool pala pag kasundo mo lahat kesa yung pa mysterious effect.
3) Sana pala mas naging kumportable ako kaibiganin yung mga nabubully kahit kaunti.
4) Ang respeto ay hindi dinadaan sa edad.
5) Matuto makinig sa lahat ng panig at wag makinig sa emosyon pag nagdedesisyon 
6) Laging merong mas magaling sayo. Know where your strength lies.
7) Pagdating mo ng 4th year, akala mo ang mature mature mo na, hindi pa pala. Nagmamarunong ka lang pala talaga.
8) Lakas makahawa ng peer pressure! Learn to say no!
9) Pero minsan sumabay ka nalang din sa agos. Andami kasi rules. Minsan  subukan mo lang din mag kamali.
10) Wag ka mag madali. May tamang oras para sa bawat lesson. Isang mahabang curriculum ang buhay. May kanya kanya dahilan kung bat nauuna ang dapat mauna.

at higit sa lahat, alamin muna kung civilian ba bukas o uniform.